Malapit na naman po ang Kapaskuhan kaya kailangan ng kaunting ingat sa pamimili ng mga karne, gulay, at iba pang bilihing pang-noche buena.
Mag-ingat rin po tayo sa "botcha" o "double-dead" na karne na minsa'y binebenta sa mga palengke kapag ganitong mataas ang demand para sa mga ganitong produkto.
Kailangan po nating protektahan ang kapakanan ng mga mamamayan, lalung-lalo na sa mga gahamang negosyante na ang nais lang ay kumita sa iligal na paraan. Baka mura nga ang bilihin, e sa ospital naman ang tuloy ng mga bumibili. Kung ano ang natipid sa pamamalengke, mababawi naman sa panggamot.
Bukod pa rito, kailangan rin nating pangalagaan ang kita at kabuhayan ng mga magsasaka. Kapag smuggled ang bilihin at bagsak-presyo ang mga ito, nasisira ang kabuhayan ng ating mga magsasaka. Wala na nga silang Christmas bonus, mawawalan pa sila ng kita ngayong Kapaskuhan.
Hinihingi po natin ang tulong ng lahat ng mga sangay ng gobyerno na maging mas mapagmatyag ngayong mga panahong ito. Bigyan natin ng ligtas at masaganang Pasko ang ating mga kababayan.
No comments:
Post a Comment