Tiwala tayo na agad na aaksyunan ni PNoy ang usapin ng tiwaling mga palakad sa AFP. Ito ang isang mabigat na dahilan kung bakit hanggang ngayon hindi matapos-tapos ang giyera sa Mindanao at kanayunan. Dahil sa halip na pagsusundalo ang inaatupag ng mga heneral ay pabaon at paano magpayaman ang prioridad ng mga ito. Wala silang interes na matapos ang bakbakan dahil kapag nangyari ito ay mababawasan ang gastusin sa AFP na maaari pa nilang nakawin. Kawawa ang ating mga kawal. Buhay ang binubuwis para sa AFP habang ang mga heneral ay walang sawa sa pabaon at kurakot. Hamon sa liderato ng AFP na ipakita na tunay nga na hindi na ganito ang palakad sa ating sandatahang lakas.
Sa ating mga kawal, huwag ninyong tingnan na balakid ang pangyayaring ito. Kundi, dapat ay tingnan ito na pagkakataon na linisin ang sandatahang lakas na kapag natupad ay hindi lamang bagong bota, pabahay, o pag-aaral ng inyong mga anak ang matatamasa ninyo. Dagdag pa sa mga ito ay ang malaking posibilidad na wala nang giyera sa ating bansa kung maayos ang ating lipunan.
Image Source: Quoted News
No comments:
Post a Comment