Tuesday, December 11, 2012

Mananatili kang idolo ng sambayanan, Manny

Natalo man ang “People's Champ” na si Manny Pacquiao kay Juan Manuel Marquez, wala siyang dapat ikahiya dahil siya pa rin ang kampeon sa puso ng mga Pilipino.

Si Manny pa rin ang pinakamagaling na boksingero ng Pilipinas. Bagaman masakit ang pagkatalong ito, hinding-hindi matatawaran ang kanyang naiambag sa kasaysayan ng boksing. Ang kanyang naabot na tagumpay ay patunay sa kanyang galing—hindi lang bilang isang manlalaro kundi bilang isang pambihirang tao. Siya pa rin ang kampeon sa ating mga puso.

Tungkol naman sa panawagan ng ilan na mag-retiro na si Pacquiao, anuman ang maging desisyon ng pambansang kamao, wala na siyang dapat patunayan pa.

Nasa kanya yun kung magreretiro siya o hindi, pero masakit para sa buong bansa ang pagkatalo ni Manny at marahil lahat ay nagnanasa na bumawi siya sa susunod. Ngunit siya lamang ang makakapagsabi kung dapat na ba siya mag-retiro o hindi.

Kahit magretiro pa siya, wala naman siyang dapat ikahiya sa naging record niya bilang boksingero o Pilipino. Mula sa pagtulog sa sidewalk ‘nung nag-uumpisa pa lang siya, kinaya niyang maging bilyonaryo. Kung nagawa niya ‘yun, walang duda na kakayanin niyang lampasin ang pagsubok na ito.

Hindi pa rin matatawaran ang kanyang pagiging six-time world champion, at mananatili siyang idolo ng buong sambayanan. Taas-noo pa rin tayo sa layo ng kanyang naabot at sa karangalan na kanyang ibinigay sa bansa nitong maraming taon nang nakalilipas.

Eight championship belts in eight categories. That is the measure of the man's worth in boxing history—not this defeat to Marquez. He will always be our champion.


Image Source: Bleacherreport.com