Nakakalungkot
para sa ating mga institusyon ng pamahalaan at sa ating bansa ang napabalitang
diumano’y paglulustay ng pondo ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o
mas kilala sa pangalan na pork barrel sa halagang P10 bilyong piso.
Dahil dito ay umigting ang panawagan
na ibasura na ang pork barrel ng mga kongresista at senador dahil sa hindi
wastong paggamit ng nasabing pondo. Lubos nating naiintindihan ang panawagan na
ito at ang sentimyento kontra sa PDAF.
Kung hindi rin lang matitiyak na
gagamitin sa maayos na paraan ang PDAF, mas mainam na ibasura na ito. Ngunit
ang pagbasura sa PDAF ay isang hakbang lamang para sa pangontra sa tiwali at
pang-aabuso sa pondo ng gobyerno.
Sabi nga nila, maraming paraan upang
gumawa ng kalokohan o pang-aabuso kung talagang desidido ang isang opisyal ng
pamahalaan na gatasan ang gobyerno.
Naalala ko tuloy nu’ng naging
maigting ang kampanya laban sa jueteng at napatigil ito sa ilang mga lugar
(kahit pansamantala lamang), umusbong naman ang bagong iligal na sugal na
‘loteng’. Ganu’n din ang pagbasura sa pork barrel.
Hahanap at hahanap ang mga tiwali ng
paraan hangga’t makakalusot ang mga ito at gagawa ng paraan upang kumita dahil
wala namang napaparusahan.
Simpleng tanong lamang: Bakit
nariyan pa rin ang jueteng? Ang sagot ay tanong din: May nakita na ba kayong
jueteng lord o pulis na nakulong dahil sa jueteng? Hangga’t hindi napaparusahan
ang mga ito, tuloy ang ligaya ‘ika nga.
Ang nais nating bigyan-diin ay
habang tama ang usapin na i-abolish ang pork barrel kung hindi rin lang ito
maiimplementa ng tama, hindi matatapos ang pang-aabuso sa pondo ng gobyerno ng
mga sindikato na kasabwat ang mga opisyal ng gobyerno hangga’t walang
napaparusahan o nasesentensyahan ng pagkakakulong. Bilyon diumano ang nalustay.
Matitigil lamang ang paglulustay
kung ang mga nagkasala ay maparusahan sa mabilis at patas na paglilitis.
Mabalik tayo sa usapin ng
pag-abolish sa pork barrel. Uulitin natin ang ating posisyon. Kung hindi rin
lang matitiyak na magagamit ang pondo sa maayos at sa ligal na paraan, kung ito
ay aabusuhin lamang, mas mainam na ibasura na ito.
Marahil may magsasabi na kaya lamang
natin sinasabi ito ay dahil wala na tayo sa Senado at tapos na ang ating
termino.
Kung tutuusin sa 12 taon natin sa
Senado ay halos anim na taon sa ilalim ng panunungkulan ni dating Pangulong
Gloria Arroyo ay wala tayong PDAF.
Ito ay dahil sa pagkontra natin sa
ilang tiwaling mga gawain sa administrasyon ni GMA mula 2005 hanggang 2010.
Hindi pumayag si GMA na i-release ang alokasyon ng PDAF sa ating tanggapan.
Kaya kung tutuusin matagal ding ‘abolished’ sa amin ang PDAF.
Sa loob ng halos anim na taon, hindi
tayo nakapaglaan ng pondo mula sa pork barrel dahil walang alokasyon na
na-release sa ating tanggapan at ito ay dahil sa mga kaalyado lamang ni GMA
napunta ang PDAF nu’ng panahon n’ya.
Subalit tayo naman ay nahalal muli
nu’ng 2007 at bilang indipendyente. Kaya kung ako ang tatanungin, hindi naman
kailangan ang pork barrel upang mahalal ang isang opisyal kaya hindi ka na rin
magtataka bakit nga ba masyadong atat ang iba dito? Kayo na ang humusga.
Ang pinakamalungkot sa lahat ay mga
bogus na organisasyon ng mga magsasaka pa ang ginamit. Sa ngalan ng mga
magsasaka ang naging modus operandi ng mga sindikatong ito. Kung sino pa ang
pinaka-api at pinaka-mahirap, ang ating mga magsasaka, ‘yun pa ang ginamit na
sektor.
Sa huling banda, kung hindi
maipapatupad ng tama ang PDAF ay dapat lang na ibasura na ito at dagdag dito
upang hindi na rin umusbong pa ang iba pang paraan ng pang-aabuso at
paglulustay sa pondo ng gobyerno mula sa mga ganid at mga walang pusong
mapagsamantala ay dapat maparusahan ang mga nagkasala at hindi mabaon sa limot
o sa kupad ng pag-ikot ng hustisya ang iskandalo na ito.
‘Yan naman ay opinyon lamang natin
bilang pribadong indibidwal... o s’ya, mabalik na nga sa pag-aararo sa bukid!